LGU PILILLA SA RIZAL TUMANGKILIK NG PRODUKTO NG FARMERS COOPERATIVES PARA SA 14TH CYCLE NG DSWD FEEDING PROGRAM

LGU PILILLA SA RIZAL TUMANGKILIK NG PRODUKTO NG FARMERS COOPERATIVES PARA SA 14TH CYCLE NG DSWD FEEDING PROGRAM

(Pililla, Rizal) - Dalawang lokal na kooperatiba ang nagsilbing supplier ng pagkain para sa 14th Cycle ng DSWD Supplementary Feeding Program sa bayan ng Pililla. Ito ay ang Pililla Farmers Agriculture Cooperative (PFAC) na syang nag-supply ng bigas at wet goods at ang Better Pililla Women’s Multi-Purpose Cooperative (MPC) na syang nag-supply ng mga dry goods tulad ng noodles, mantika at mga pampalasa.

Ayon sa pinuno ng Municipal Social Welfare Development Office na si Ms. Jonaryn I. Atanante, RSW, ito ay magandang market opportunity para sa mga magsasaka ng Pililla, “sa ganitong paraan, umiikot ang kalakal at kita na napapakinabangan mismo ng mga taga-Pililla”.  Dagdag pa ni G. Leonardo Capistrano, Gen. Manager ng PFAC, “Ito ay hamon sa amin na siguruhin na kalidad ang aming mga produkto at kumpleto ang aming mga dokumento”.  Ang mga food commodities ay sinusuplay at dinedeliver ng PFAC at Better Pililla Women’s MPC araw-araw sa benteng (20) day care centers sa loob ng dalawang buwan.

Ang DSWD ay naglalayong pataasin ang nutritional status ng mga mag-aaral ng day care centers sa pamamagitan ng pagbibigay ng supplementary meal at edukasyong pangkalusugan.  Ang ahensya ay tumutugon din sa hamon ng SDG 2:  Zero Hunger sa pamamagitan ng pagsulong ng mga lokal na produktong agrikultural na syang ihahain sa mga feeding programs. Para sa karagdagang impormasyon, makipag-ugnayan kay Myrna A. Maglahus-Lamug sa mmlamug@dswd.gov.ph - (balita mula kay MMLamug)