DSWD IV-A at DOLE CALABARZON, Magtutulungan Para Makamit Ang #ZEROHUNGER

DSWD IV-A at DOLE CALABARZON, Magtutulungan Para Makamit Ang #ZEROHUNGER

Calamba, Laguna (11 July 2025) - Pormal na inilunsad ng DOLE CALABARZON, sa pakikipagtulungan sa DSWD IV-A, ang TUPAD ZERO HUNGER nitong 11 July 2025 sa Hotel Marciano, Calamba, Laguna. Nagkakahalagang P14,332,400 ang ilalaang pondo para sa pagpapatupad ng TUPAD ZERO HUNGER sa CALABARZON.

Ang paglunsad ng TUPAD ZERO HUNGER ay isa sa mga convergence projects na kabilang sa Awarding Ceremony para sa Integrated Livelihood and Emergency Employment Program (DILEEP) Projects Under Convergence. Ito rin ay alinsunod sa Inter-Agency Task Force Zero Hunger JMC No. 01 s. 2024, na kung saan nakasaad ang commitment ng iba't ibang ahensya para sa matagumpay na pagpapatupad ng Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty (EPAHP). “Ito ay pagsisiguro ng suporta sa sektor ng manggagawa na apektado sa pagtaas ng mga bilihin at kalamidad.”, saad ng DOLE CALABARZON Regional Director Atty. Erwin N. Aquino. Kabilang din sa dumalo ang mga kinatawan ng DAR, DTI, BJMP at ilang benepisyaryo ng DILEEP.

Ang TUPAD ZERO HUNGER ay sisimulan ipatupad sa probinsya ng Quezon at inaasahang makakapagbigay ng tulong pangkabuhayan sa 2,400 benepisyaryo para sa mga gawaing kaugnay sa EPAHP. Ang Enhanced Partnership Against Hunger And Poverty (EPAHP) ay isang inter-agency convergence program na pinangununahan ng DSWD. Ito ay may layunin na isulong ang seguridad ng pagkain sa pamamagitan ng pag-uugnay ng mga produkto ng mga magsasaka at mangingisda sa mga feeding programs. Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang epahp.org at EPAHP Program FB page (with reports from MMLamug).